Mamondiong sa Muslim countries: Protektahan ang mga OFWs


February 13, 2018

Umapela si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Guiling  “Gene” Mamondiong sa mga bansang kumukuha ng Pinoy  partikular sa Middle East  na proteksyunan ang mga  overseas Filipino workers (OFWs) at respetuhin ang kanilang  mga  karapatan bilang tao at manggagawa.

Ang panawagan ay ginawa ni Mamondiong kasunod sa naging desisyon ni Pangulong  Rodrigo Duterte  na magpatupad ng total ban sa pagpapadala ng mga  Filipino workers sa Kuwait  dahil sa mga  natatanggap nitong mga ulat  na maraming OFWS ang  dumaranas ng pang-aabuso tulad ng panggagahasa, hindi pagbabayad ng sahod, pananakit,  pagpatay at iba pang-aabuso.

Ang pinakahuling kaso  ay  ang pagpatay sa isang Pinay na kinilalang si Joanna Daniela Dimapilis kung saan ang bangkay nito ay natagpuan sa loob ng  freezer sa isang abandonadong   apartment sa Kuwait.

Bilang  isang Muslim  at pinuno ng  TESDA, nanawagan si Mamondiong sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs na higpitan ang mga polisiya sa  pagpapadala ng mga Pinoy workers sa Arab states.

Kailangan umanong sumailalim muna sa sapat na  pagsasanay  ang mga ipapadalang  mga OFWs  tungkol sa kanilang magiging trabaho gayundin sa lenguwahe at kultura  sa  bansa  na kanilang  pupuntahan.

Aniya, ang language training program ng TESDA ay nakapaloob sa Training for Work Scholarship Program (TWSP) kung saan kabilang sa mga lengguwaheng itinuturo ay ang English, Japanese, Spanish, Mandarin (Chinese), Italian, Arabic at Korean (Hangul).

 Layunin din ng programang ito na maintindihan ng mga OFWs ang lengguwahe at kultura ng kanilang pupuntahang bansa nang sa gayon ay madali silang magkaintindihan ng kanilang magiging employer at mailayo ang mga ito sa kapahamakan.

Bukod naman sa pagbibigay ng basic language and culture training, ang National Language Skills Institute (NLSI) ng TESDA ay nagsisilbi ring training venue ng Japanese Language Preparatory training para sa mga nurses at caregivers sa ilalim ng Philippine-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA).

Plano rin ng TESDA na palawigin pa ang pagbibigay ng language training program sa pamamagitan ng pagdaragdag ng iba pang lengguwaheng ituturo tulad ng German, Russian, French, Bahasa, Vietnamese at Mandarin (Taiwan).

Nitong Biyernes, binigyan ni Duterte ng 72- oras ang mga OFWs  sa Kuwait na bumalik ng bansa  at hiniling   sa mga nagbabakasyong OFWs mula sa nasabing bansa na huwag nang bumalik  at  maghanap  na lang ng trabaho sa Pilipinas.

Samantala, ang TESDA may nakalaang mga  programa para matulungan ang  mga displaced OFWs na kasama  sa 17-Point Reform and Development Agenda ng TESDA sa ilalim ng Duterte administration.

Kabilang ditto ang reintegration program for OFWs kung saan ang mga pinauwi, tinanggal sa trabaho o biktima ng pang-aabuso  sa ibang bansa ay   sinasanay sa iba’t ibang skills maging ang kani-kanilang dependent upang matulungan silang makahanap ng trabaho  o self-employment sa bansa.

Sa tala noong December 2017, umaabot na sa 2,216 OFWS at ang kanilang dependent ang natulungan ng TESDA.




Back to List

 
Transpareny  Seal
 
 
 
 
CRDA
 
scholarship
 
PQF
 
k12
household service worker profiling

TESDA Hotline

  Tel. No: (02) 887-7777
  Send Text to 0917-4794370 (Globe)
  Email: contactcenter@tesda.gov.ph

Like us on Facebook