05 June 2011
BINABALAK ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva na maisagawa ang technical vocational trainingsa buong bansa gamit ang internet.
Sinabi ni Villanueva na nalalapit na ang paglulunsad ng online tech-voc training na mag-aalok ng ibat-ibang kurso.
“Mas magiging madali ang technical vocation education lalo na sa overseas Filipino workers (OFWs) na malinang pa ang kanilang kakahayan, talento at husay kung maisasagawa ito sa internet,” ani Villanueva.
Sakaling matapos na ang mga pasilidad, sinabi ni Villanueva na maaaring manatili sa mismong training centers o mag-online ang mga estudyante sa Training Institutes ng TESDA.
May dalawang scholarship programs ang TESDA– ang Training for Work Scholarship Program (TWSP) at ang Private Education Student Fund Assistance (PESFA) program.
Sa nalalapit na pagbubukas ng klase, sinabi ni Villanueva na magiging epektibong alternatibo ng mga tao ang technical vocational training na inaalok ng ahensiya.
Sinabi ni Villanueva na isinusulong ng TESDA ang makabuluhan, mura ngunit de kalidad na edukasyon na mas medaling ma-access at mayroong mataas na antas ng employability.
“Batid namin ang mahal na edukasyon. Ngunit, hindi ito dapat maging balakid sa ating mga mag-aaral na pursigihin ang ang anomang karera. Nandito ang technicalvocational education para linangin ang kakayahan at talento ng mga estudyante na magiging bahagi ng workforce ng bansa sa hinaharap,” anang pinuno ng TESDA.
Inihayag rin ni Villanueva na maaring makinabang ang mga mag-aaral sa community-based, enterprise-based o Dual Training System ng TESDA na kombinasyon ng pag-aaral sa eskuwelahan at kompanya.
“Nais nating bigyan ang mga tao ng mas maraming pagpipilian sa kanilang edukasyon,” dagdag nito.
Tiniyak ni Villanueva na patuloy na itataguyod ng kanyang ahensiya ang mga reporma upang lalong makatugon ang technical vocational training curriculum sa mga hamon ng panahon na magreresulta sa agarang pagkakatanggap sa trabaho ng kanilang mga produkto.
Share this page