Secretary Lapena sinaksihan ang profiling ng 25 rebels returnees, ninong sa kasal ng 4 B’laan couples sa 73rd IB Headquarters sa Davao Occidental
August 6, 2019
Personal na dinaluhan ni Technical Education and Skills Development Authority Director General Secretary Isidro S. Lapena nitong Sabado, Agosto 2, 2019 , ang isinagawang profiling ng 25 Community Integrators (CIs) o rebel returnees para sa mga kukunin nilang kuwalipikasyon kaugnay isasagawang skills training sa 73rd Infantry Battalion (IB) Headquarters sa Malita, Davao Occidental.
Kasabay nito, sinaksihan at naging ninong si Secretary Lapena sa kasal ng apat na pares ng katutubong B’laan na nagkataong ginanap din sa nasabing IB Headquarters.
Kasama ng TESDA chief sa nasabing pagbisita sina Deputy Director General (DDG) for TESD Operations-Director Gladys F. Rosales, TESDA Xl Regional Director Lorenzo G. Macapili, at TESDA Davao Occidental Provincial Director at kasalukuyang Vocational Schools Administrator, Engr. Alfredo V. Panuela Jr.
Ang pangunahing layunin ni Secretary Lapena sa pagtungo sa Malita, Davao Occidental ay upang bisitahin ang TESDA Provincial Office sa Davao Occidental, gayundin ang pagtatayuan ng bagong gusali ng TESDA office at training center na itatayo sa may 150 square meters na lupain na donasyon ng local government unit (LGU) ng Munisipalidad ng Malita.
Gayunpaman, inimbitahan siya ni 73rd IB Headquarters Commander, Lieutenant Colonel Ronald Valdez para saksihan at daluhan ang kasal ng apat na pares na natibong B’laan at saksihan din ang isinasagawang profiling ng 25 rebel returnees.
Ang profiling ay isang career guidance program na naglalayon na tulungan ang mga estudyante, out-of-school youth (OSY), at mga walang trabahong adults sa pagpili ng tamang kuwalipikasyon na gusto nilang kukunin.
Sa kanyang speech sa nasabing okasyon , sinabi ni Lapena na na-amazed siya na isa siya sa mga ninong ng apat na bagong kasal na B’laan couples, na kasama rin sa mga kukuha ng skills training.
Samantala, ang CIs ay binubuo ng 24 lalaki at isang babae, kung saan ang 22 ay mula sa B’laan tribe mula sa mga munisipyo ng Jose Abad Santos, Davao Occidental at tatlo mula sa Glan, Sarangani.
Base sa isinagawang profiling, karamihan sa mga piniling kuwalipikasyon ng 25 CIs ay Masonry, Agricultural Crops Production, Carpentry, Beauty Care, at Driving.
Sinabi ni Secretary Lapena na ang mga iniaalok na programang ito ng TESDA ay hindi lamang para sa mga rebel returness kundi sa mga miyembro rin 73rd IB.
Iginiit din ng opisyal na ang TESDA ay tungkol sa trainings at ang nasabing skills training ay hindi lamang idaraos sa mga Regional Trainig Centers (RTCs) at Provincial Training Centers (PTCs) kundi maging sa iba’t ibang komunidad.
© 2021 - Developed by: TESDA Planning Office - Labor Market Information Division