TESDA nagbabala sa publiko kaugnay sa mga pekeng NCs
September 18, 2019
Pinag-iingat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang publiko kaugnay sa naiulat na mga pekeng National Certificates (NC) sakaling ang mga ito ay iaalok sa kanilang lugar.
Kasunod sa pagkakaaresto sa 46-anyos na kinilalang si Ricky Calunsag Esteves sa pagbebenta ng mga pekeng NCs noong Agosto 15 sa kanyang bahay sa Ipil, Zamboanga Sibugay, inatasan ni Secretary Isidro Lapena ang mga regional at provincial directors ng ahensiya sa Zamboanga Peninsula (Region lX) na kondenahin ang nasabing illegal na gawain at isulong ang mas malawakang kampanya para mapangalagaan ang integridad ng National Certificates na iniisyu ng TESDA.
Sinabi ng provincial director ng TESDA Zamboanga Sibugay,na ang pulisya at militar sa lugar ay mahigpit na sinubaybayan si Esteves nang makarating sa kanila ang ulat na mga pekeng NCs ang ibinebenta nito sa mga aplikante ng PNP at militar. Kasunod nito, agad na nagsagawa ng operasyon upang mahuli sa akto si Esteves.
Si Esteves ay agad na inaresto kaugnay sa paglabag sa Article 172 (Falsification by private individual and use of public documents) ng Revised Penal Code. Kasalukuyan siyang nakakulong sa municipal jail facility at nahaharap sa parusang prison correctional o pagkakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon at multang hindi tataas sa P5,000 dahil sa paggawa at pagbebenta nito ng mga pekeng NCs.
Matapos matanggap ang ulat sa pagkakaaresto, ang regional director ng TESDA Zamboanga Peninsula ay agad na inatasan ang mga kinaukulang provincial office na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa layuning mapalakas ang kaso laban kay Esteves, at nanawagan sa publiko na ireport ang anumang aktibidad sa pamamahagi ng NC sa labas ng mga tanggapan ng TESDA. “In the spirit of participatory governance, I denounce this crime and I appeal to the public to work with us in protecting the integrity of TESDA's processes,” dagdag pa ng regional director.
Ang TESDA lamang ang awtorisadong ahensiya na maaring mag-isyu ng National Certificates para ma-assess at ma-validate ang mga skilled workers sa ilalim ng isang kuwalipikasyon. Ang NCs ay ibinibigay matapos pumasa ang mga manggagawa sa Competency Assessment Examination kung saan aktuwal silang sinusubukan kung magagampanan nila ang kanilang kasanayan sa kanilang pagtatrabahuhan.
Pinahahalagahan din ng TESDA ang integridad ng qualification system nito alinsunod sa Philippine TVET Competency Assessment and Certification System (PTACACS) sa pagsertipika sa mga middle-level workers para matiyak ang kanilang pagtupad sa paggawa , kalidad, at global competitiveness. Ito rin ang pinakadahilan sa paghihigpit ng akreditasyon sa mga TESDA training at assessment centers, trainers, at assessors sa loob at labas ng bansa.
Madaling malalaman ng publiko ang mga authenticated NCs mula sa mga pekeng NCs. Ang TESDA-issued NCs ay naka-imprenta sa isang security paper, dry-sealed, may lagda ng Director General, at kakaiba ang pagkakaimprenta nito.
Dagdag pa dito, ang TESDA ay mayroong Registry of Certified Workers na makikita sa TESDA website upang madaling ma-check ng sinuman ang listahan ng mga certified workers para sa isang trabaho sa buong bansa.
Ang TESDA ay naninindigan sa quality statement nito, patuloy na pagpapakita ng kakayanan, institutional integrity, commitment, at pagiging makabayan sa paghahatid ng serbisyo sa mga manggagawang Filipino.
© 2021 - Developed by: TESDA Planning Office - Labor Market Information Division